Monday, October 24, 2011

Buhay Kolehiyo


Natapos na naman ang isang yugto ng aking buhay - ang unang semestre sa kolehiyo. Mahirap. Sa una'y punung-puno ng takot. Ngunit sa paglipas ng mga buwan, ikinatuwa ko ang mga maliligayang karanasan. Ito ang mga karanasang dati'y inaakala kong hindi ko kayang gawin ngunit sa huli, kaya ko pala. Basta magtiwala lang sa sarili at sa sariling kakayahan. Higit sa lahat, magtiwala lang sa Diyos.


Sa limambuwang nakalipas, maraming bagay ang aking natutunan. Maraming aral ang tumimo sa aking mumunting kaisipan. Sa pag-iisa ko sa lugar na malayo sa aking mga magulang, marahil hindi lang nataon bagkus itinulot ng tadhana, nakilala ko ang tunay na kahulugan ng buhay. Paano nga ba mamuhay? Paano nga ba tumayo sa sarili mong paa?

Naalala ko pa noon, pinipigilan ako ng aking ama't ina na ma'layo sa kanila sa kadahilanang hindi ko pa raw kaya ang aking sarili, ni hindi ko raw alam kung paano maglaba, magluto, magsaing, maghugas ng pinggan at marami pang bagay tungkol sa buhay. Ano raw ba ang alam ko sa mga ganitong bagay? Ang alam ko lang daw ay mag-aral, mag-aral, at walang iba kundi mag-aral lang..

Sagot ko naman sa kanila, marahil ganoon nga! Hindi ako masyadong nagiging abala sa mga gawaing pantahan ngunit nais kong subukan ang aking sarili. Nais kong mamuhay na ako lang mag-isa. Ang nasa isip ko nang mga panahon na iyon ay KAKAYANIN KO!  Kakayanin ko ang kahit anung hamon, mapalabada man yan o mapapagpupuyat para mag-aral, magagawa ko dahil ang alam ko sa mga pagkakataong iyon, determinado akong tuklasin ang buhay. Gusto kong matuto dahil hindi habambuhay ay aasa na lamang ako sa kanila.

Alam kong sa mga panahong nasa puder nila ako ay marahil umaasa akong madalas sa kanila. Ngunit sa papasukin kong buhay sa Baguio kapag ako'y mag-aaral na ng kolehiyo, alam ko namang magiging responsable ako sa mga bagay na kailangan kong gawin.

Sa paglipas ng mga araw, unti-unti kong nilakbay at tinuklas ang 'independent life', ika nga nila. Syempre, sa mga unang paglalagi ko doon, naninibago pa ako. Maaaring dahil hindi ako sanay kaya nami-miss ko pa ang aking pamilya pero pinaglabanan ko ang aking nararamdaman. Kailangan kong patunayan sa kanila na kaya ko. KAILANGAN KONG PANINDIGAN ANG BINITAWAN KONG SALITA SA KANILA NA KAYA KONG MAMUHAY MAG-ISA!

Pagdating naman sa pang-akademiko, naku! Ganoon pala sa UP! Napakataas ng standards. Medyo nanibago rin ako. Bagaman noong high school ay sanay na ako sa mga "study hard" habit, pero pagdating ko sa unibersidad, mas higit pa ang hinihingi nilang effort para mag-aral. Sa anim na courses o subjects na kinuha ko at napakaluwag na schedule (sa aking palagay), nagtataka lang ako kung bakit hindi ko man lang makuhang magliwaliw, maggala o magrelax kahit saglit man lang. Nararamdaman ko ang kakaibang pressure.

Marahil ito ang halu-halong pressure sa aking sarili, pressure na ibinibigay sa akin ng unibersidad na aking pinag-aaralan, pressure na nanggagaling sa mga professors namin na mahihigpit at nakakatakot, pressure mula sa aking mga magulang na umaasang paghuhusayan ko ang aking pag-aaral, pressure na nagmumula sa aking mga kaibigan at dating mga kaklase dahil nga naman balediktoryan ako at marami pang iba. Hindi ko alam basta ang sigurado ko lang, maraming nakatingin sa akin! Siguro, inaabangan nila kung magtatagumpay ako at isa na rin ay inaabangan din nila siguro kung magkakamali ako.

Sa mga kaisipan kong 'yun, isa lang ang isinasapuso ko, kailangan kong mag-aral hindi dahil sa kung anupamang pressure ang nariyan. Nag-aaral ako para sa aking sarili, para sa aking kinabukasan. Nag-aaral ako maaaring sa maraming dugtung-dugtong na dahilan ngunit isa lang ang patutunguhan, ito ay ang mabigyan ako ng magandang buhay sa hinaharap at masuklian ko ang paghihirap ng aking mga magulang sa pagpapalaki sa akin.


Hanggang sa hindi ko na lang namalayan, nagkaroon na ako roon ng mga kaibigan, ang mga "dre" ko na hindi ko lubos maisip ay makikilala ko sa tana ng aking buhay. Sina MJ, April at Krzl at ang aming kasama sa bahay na si DM, kasama na ang mga naging kaibigan ko sa Outcrop (Opisyal na Publikasyon ng UPB) at ang aking mga blocmates, sila ang aking naging karamay sa mga panahong nakararamdam ako ng kalungkutan sa aking puso.


Lalo na sa apat na matalik kong kaibigan na aking nabanggit, sila ang nagpuna ng ilan sa mga kawalan sa aking damdamin. Marami na kaming pinagsamahan at naging damayan, nasubok na ang aming pagkakaibigan at palagi naming napapatunayan ang matibay na relasyong aming nabuo sa halos limang buwan. Salamat sa kanilang pagmamahal at pagdamay, salamat sa mga moments ng kulitan, tawanan, asaran, tilian, ingay, hiritan at kung anu-ano pa. Hindi ko lubos maisip na makakikilala ako ng mga katulad nila dahil ang akala ko sa buhay kolehiyo, ikaw lang mag-isa ang bahala sa buhay mo, pero hindi pala ganun! Maaaring dito mo pa nga makilala ang friendship na tatatak for a lifetime.

Sa pang-akademiko naman, patuloy pa rin ang wagas na pagpupuyat, ang todo-todong pagrereview sa bawat quiz, long exam, term exam, etc. Isa lang ang napagtanto ko, napansin ko lang na nung highschool, napakadali lang mairaos ang mga mahihirap na exams gaya ng periodical test. Pwedeng-pwede magreview sa saglitang panahon lang. Pero ngayon, isang quiz lang ang paghahandaan, buong gabi ay kulang pa din para mag-aral. Sadyang kakaiba lang talaga ang paraan ng pagtuturo sa ngayon. Mahirap ispelengin ang mga susunod na mangyayari. Kailangan laging handa dahil hindi mo alam kung anuman ang nasa kukote ng professors mo.

Mahigpit ang labanan ng utak dito. Lahat may ibubuga. Lahat may ambisyon. Lahat gusto makakuha ng magandang marka. Kung dati ang goal mo ay maging highest sa mga tests at manguna sa klase, ngayon, iba na. Ang goal mo dapat ay makakuha ng matataas na grades hindi dahil gusto mo itong ikumpara sa iba kundi dahil ito ay para sa sarili mo. "You make your own grades". Kung noong hayskul ay nahahaluan pa ng biases at pre-conceived notions ang grades mo, ngayon hindi na! Hindi mo nga kilala ang mga profs mo. It's like you have no right to have this student-teacher relationship. Pumasok ka kung gusto mong pumasok. Umabsent ka kung gusto mong umabsent. Makinig ka kung gusto mong makinig. Bahala ka sa buhay mo.


Napansin ko nga rin, nag-iba na rin ang standards ko ngayon. Kung ikukumpara ko nung hayskul, inis na inis na ako sa sarili ko kapag may grade akong 80+ sa mga tests, pero ngayon, ayos lang pag may line of 7 o kung minsan, line of 6, basta maipasa mo ang exam. Depende kasi sa teacher kung ano ang passing. It's either, 60 or 75, dun sa mga matataas talaga ang standards.

Lahat na ngayon mahirap! Isa pa sa mga nakakapanibago ay ang mga rallies na nasasaksihan mismo ng mga mata ko. Ganito pala sa UP! Totoo pala ang mga sinasabi nila. Sa una'y ilang ako sa mga pinaggagawa nila at hindi ko maintindihan kung bakit ganoon pa ang kanilang mga pamamaraan ngunit nauunawaan ko na ngayon kung bakit. Sa pamamagitan ng Outcrop, nabuksan ang aking isipan sa kung ano ang malalim na dahilan ng mga mag-aaral na ito, kung ano nga ba ang ipinaglalaban nilang mga tinatawag na "tibak", o mga aktibista. 

Nabuksan na rin ang kaisipan ko sa mga ganitong pakikipagbaka. Bagaman hindi ako sumasama sa mga paglabas nila sa kalsada, ngunit, nauunawaan ko kung bakit ganito ang kanilang ginagawa. Nakikisimpatya rin ako sa kanilang ninanais sapagkat naiintindihan kong ako'y isa nang ISKA NG BAYAN, o iskolar ng bayan kaya dapat ay ipinaglalaban ko rin ang aking karapatan para sa edukasyon bilang isang kabataaan at pinag-aaral ng mamamayang Pilipino. Gaya nga ng isinisigaw nila, 


"Edukasyon, edukasyon, karapatan ng mamamayan
Karapatan ng mamamayan, edukasyon, edukasyon"


"Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban
Ngayon ay lumalaban, iskolar ng bayan"


Sa ngayon, masasabi kong napakarami ko nang natutunan. Sa wala pang isang taon kong pag-aaral sa unibersidad, nabuksan ang aking kaisipan sa maraming bagay. Marami akong nalaman sa pang-akademikong kaalaman, marami akong napagtanto sa buhay bilang isang independent na tao, marami akong naging karanasan na nagbigay sa akin ng aral na maaari kong magamit sa paglipas pa ng panahon.


Natapos na nga ang unang semestre ngunit umpisa pa lang ito ng lahat. Marami pang darating at hindi na naman maitatatwa ang katotohanang marami pa akong pagdaraanan. Sa kasalukuyan, masaya ako dahil natapos ko na at nalagpasan ko na ang mga bagay na kinatatakutan ko nung una. Nag-uumpisa na akong mamuhay sa sarili kong paa. Kinakaya ko nang harapin ang mga problema't pagsubok na hindi na masyadong umaasa at nagiging pabigat sa aking mga magulang.


Proud ako sa aking sarili dahil napagtagumpayan ko ang lahat ng ito - kung paano magbudget ng oras, magising ng maaga, magluto ng sariling pagkain, maglaba ng sariling damit, magpursigi sa pag-aaral, mag-budget ng pera at marami pang iba. Alam ko marami pa akong matutunan sa buhay na kung hindi ko sinubukang subukin ang aking sarili ay hindi ko ito magagawa.


Balang araw, maipagmamalaki ko rin ang bagay na ito at magiging advantage ko ang mga napulot kong aral na ito. Salamat sa aking mga magulang dahil hinayaan nila ako. Sana ay hindi sila magkamali sa kanilang naging desisyon. Sa aking sarili naman ay pagpupursigihan kong magtagumpay sa nais kong makamit sa buhay, sa tulong at pangunguna ng Poong Maykapal. Alam kong sampung semestre pa ang dadaan ngunit hindi ko kailangang mag-aalala dahil alam kong kasama ko Siya sa buhay ko.


Nagpapasalamat nga ako sa Kanya dahil napakaganda ng naging regalo Niya sa akin sa pagtatapos ng semestreng ito. Walang kapantay ang saya ko dahil tinupad Niya ang aking kahilingan na maging bahagi ng tinatawag nilang DEAN'S LIST. Hindi ko ito inaasahan ngunit ang sabi ko nga sa aking sarili, bilang kapalit ay regalo ko rin ito sa aking mga magulang sa pagpapakapagod nila para sa akin at ganun din sa mga taong tumutulong at sumusuporta sa pagpapaaral nila sa'kin. Isa lang ang napatunayan ko, "Kapag kasama mo si God sa buhay mo, kayang-kaya mong gawin ang lahat kahit mga imposibleng bagay pa ang mga ito!




Noong una nga, napakaimposibleng makapasa ako ng UPCAT pero gumawa pa rin Siya ng paraan na makapasa ako at matupad ang pangarap ko. Bagaman hindi ako sa UP Diliman dahil hindi rin naman nila ako pinapayagan na makipagsapalaran sa Maynila, at least sa UP Baguio naman! Masaya ako sa tagumpay na iyon ngunit hindi pa malinaw sa akin noon ang mga kailangan kong harapin sa buhay. Nakakatuwa nga na tili ambilis ng panahon. Kakapasa ko lang noong Enero tapos ngayon ay natapos ko na ang 1st semester. Madali na lang siguro ang makagraduate at lumilipad na ang aking isipan sa maraming bagay.

Sa ngayon, maligaya ako sa mga nakamtan ko. Lahat ng bagay ay nagkakalakip-lakip. Alam kong may layunin ang Maykapal kung bakit ako naririto at alam ko rin na may plano Siya para sa akin. Sa pagtatapos ng semestreng ito, alam kong may haharapin na naman akong bagong panimula. Masaya ako dahil natapos ko na ang unang hamon nang may tagumpay ngunit naririto na naman ang aking kaba para sa mga susunod na hamon na aking haharapin. May pressure na namang muli, panibagong inog na naman sa gulong ng aking buhay, panibagong pakikipagsapalaran na naman ang aking haharapin nang mag-isa, ngunit naniniwala ako na sa pagdating ng buwan ng Marso, baon- baon kong muli ang tagumpay sa pag-uwi ko sa sa aking pamilya.


GOD is my fortress, He is my Rock
He will deliver me from every trials,
Through His name, all things are possible
If I just believe and put everything on Him


So now i don't have this troubled heart and mind
'Cause He promised to never leave me nor forsake me
I know that He is in control with my life
And He himself knows what is best for me


All I need now is to do my part
Have Faith on Him and serve Him well
And in the end , He will gaze at me
And crown my efforts with success !

Ganito pala ang BUHAY KOLEHIYO!  O kay saya !! Yeah !!


*Ang larawan sa mga rally ay kuha ni Hazel Joy Altamarino
*Ang larawan ng UP Baguio ay nakuha sa www.googleimages.com/UP Baguio
*Ang iba pang larawan ay kuha ng blogger

4 comments:

  1. lovely!!!! im proud of you! grabe nakakalabas ka na kahit gabi na!!! at nagboboard na! iba na talaga! I love you lola!

    ReplyDelete
  2. sino po ito? thanks po :)
    masarap maging independent..
    maraming natutunan sa buhay pero alam din dapat ang mga limitations. aral muna before anything else..

    ReplyDelete