Friday, October 28, 2011

I'm Proud to be a UPian


Sino nga ba ang hindi magiging proud na makapasok sa Unibersidad ng Pilipinas? Nakapasa ka sa UPCAT. Mag-aaral ka sa unibersidad na halos pangarap ng lahat. Makakahalubilo mo ang mga intelehenteng tao, mga estudyanteng kritikal ang kaisipan at mga gurong pantas at dalubhasa sa iba't-ibang larangan. Kung hindi ba naman lilipad ang isipan mo't mag-iilusyon na ng mga maaari mong marating at maranasan sa hinaharap at sabihin mo sa sarili mo na, "hay, sigurado na ang aking kinabukasan". Totoo, UP kasi e.

Hanggang sa... mas na-inspire pa ako sa mga nabasa kong lathala, artikulo, blogs at kung anu-ano pa tungkol sa UP. May mga positibong balita, negatibong kwento, halos halu-halo na. Magaling talaga ang UP. Sa Konstitusyon nga ng ating bansa, nakasaad doon ang UP ang 'premiere university' sa ating bansa.

Gusto ko lang i-repost ang isa sa mga nabasa kong article dahil naantig talaga ang aking damdamin. Masasabi kong proud talaga akong maging isang UPian!


May nagtext sa akin kagabi. Sabi niya, “Puro kayo rally, sigaw, at ingay. Wala naman kayong nagagawa. Bakit ba ang kapal ng mga mukha niyo eh UP lang naman kayo?”

UP lang naman kayo. Tumatak yan sa isipan ko. UP lang pala. LANG. Hindi ko man ipinagsisigawan sa buong mundo pero proud akong maging UPian. Siyempre, Unibersidad ng Pilipinas yata ito.

Sabi mo rin, puro kami rally pero wala naman kaming nagagawa. Ang tanong, may nagawa ka rin ba? Kung nasa Unibersidad ka maiintindihan mo kung bakit kinakailangang lumabas at kumilos ng mga mag-aaral. Ginagawa lang naman ito dahil gusto ng mga mag-aaral na maiparating sa mga kinauukulan ang mga hinaing na matagal nang hindi dinidinig. Parte lang naman ito ng “pagbabayad-utang” sa mga MAMAMAYAN na nagpapa-aral sa amin. Hindi ko naman sinasabing ang pamamaraang paglabas at pagkilos lang ang tama at ginagawa naming mga UPian. Ang mga mobilisasyon na ito ay uri ng Arm Struggle—pakikipagbuno sa pamamagitan ng pagkilos at pagpapakilos upang mapansin ang mga kakulangang nararapat lamang na mabigyan ng kaukulang pansin. May mga mag-aaral naman na mas pinipili ang Parliamentary Struggle—pakikipagbuno sa paraang matahimik ngunit hindi nangangahulugang walang ginagawa. Hindi man pansin ng nakararami ngunit sila ang mga aktibistang nakokontento sa pagpapahayag ng kanilang saloobin sa kanilang mumunting mga paraan—maaaring sa pamamagitan ng pagsusulat o pagpapakalat ng impormasyon ukol sa mga anomalyang hindi nakikita o sadyang ayaw makita ng taumbayan.

Babalik ako sa sinabi mong “UP lang naman.” Paano mo nasabing UP lang naman kung hindi ka nag-aaral o nag-aral dito? ‘Di ba hindi ka naman pumasa sa UPCAT? Noong 2006, nasa 70,000 aplikante ang kumuha ng UPCAT at nasa 11,000 lamang ang nakapasa. Ibig sabihin, 18% lamang ng lahat ng kumuha ng pagsusulit ang nabigyan ng pagkakataon na makapasok sa Unibersidad. Ayon din sa Senate Resolution No. 276 ng Senado ng Pilipinas, ang UP ay ang “nation’s premier university.” Pito (7) sa labinlimang (15) naging pangulo ng Pilipinas ay nag-aral sa UP. Labindalawang (12) Chief Justices ng Philippine Supreme Court ay mula rin sa UP. Isama mo na rin sa bilang ang tatlumpu’t anim (36) sa limampu’t pitong (57) National Artists at tatlumpu’t apat (34) sa tatlumpu’t limang (35) National Scientists na mula o konektado sa UP.

Ang UP din ang may pinakamaraming National Centers of Excellence and Development sa mga higher education institutions sa bansa. Ang UP rin ay isa (1) sa tatlong (3) natatanging mga paaralan sa buong Asya na nagkamit ng Ramon Magsaysay Award. Kung pag-uusapan din lang ang mga kursong inihahain ng Unibersidad, ito’y may 246 na undergraduate degree programs at 3     62 graduate degree programs—pinakamalawak na course offerings sa lahat ng mga pamantasan sa Pilipinas. Pitumpu’t limang porsyento (75%) ng mga guro sa Unibersidad ay may graduate degrees—tatlumpung porsyento (30%) ang may Doctorate Degrees at apatnapu’t limang porsyento (45%) ang may Master’s Degrees. Ang nalalabing dalawampu’t limang posyento (25%) ay iniasikaso ang kanilang graduate degrees.

Sa pag-aaral din ng Commission on Higher Education at Professional Regulation Commission sa average passing rates ng lahat ng kurso ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas, ang UP Diliman, UP Los BaƱos, at UP Manila ang nanguna sa listahan.

Sa UP lang may UP Oblation, na hango pa sa ikalawang talata ng Mi Ultimo Adios ni Dr. Jose Rizal. Sa UP lang may Sablay tuwing graduation. Sa UP lang may G.E. o General Education Program na naglalayong gawing mahusay sa ano mang field ang mga UPian. At para sabihin ko sa iyo, hindi eagle yung ibon sa official seal ng UP, PARROT yun. LORO. Bakit? Dahil ang mga loro ay likas na matatalinong mga ibon na sumisimbolo sa katalinuhang aming pinanghahawakan sa UP. At ang loro ay natuturuan upang magsalita hindi tulad ng ibang ibon na magaling nga sa palakasan, wala namang utak, o kung meron ma’y hindi naman ginagamit.

Oo nga pala, sabi mo rin, “UP Baguio lang naman kayo ah.” Oo, UP Baguio nga—University of the Philippines Baguio. UP pa rin naman. Para mabigyan ka ng background, ang UP Baguio ay nagsimula bilang isang regional unit ng UP Diliman noong 1961 at noong 1999 ay naging isang autonomous unit bilang University of the Philippines College Baguio. Noong December 2002 ay nakamit na nito ang pagiging isang unibersidad at ikapitong UP constituent unit bilang University of the Philippines Baguio. Sa UP Baguio lang may Cordillera Studies Center; abortion stairs; upper, lower, and lowest canteens; at marami pang iba na truly unique sa buong UP System.

O ngayon, may sasabihin ka pa laban sa Unibersidad o sa aming mga UPian? Sige, magsabi ka pa at babanatan din kita. Ngunit sa susunod na humirit ka, lagyan mo naman ng facts gaya ng ginawa ko, tinadtad kita ng facts at hindi puro sabi-sabi lamang. At, oo, maangas nga ako. Sabi nga sa isang shirt ng Diliman Republic, “Naturalesang may angas, Unibersidad ng Pilipinas.” Sa mga isko’t iska, mabuhay tayo ngunit higit na mabuhay ang mamamayang Pilipino. Iskolar ng Bayan, Iskolar para sa Bayan, Ngayon ay Lumalaban, Kailanma’y patuloy na Lalaban.


No comments:

Post a Comment